Naunang testimonya ng taxi driver na hinoldap umano ni Carl Arnaiz, itinanggi nito sa kanyang counter-affidavit

 

Sa pagsusumite niya ng kaniyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ), ipinagkaila ng taxi driver na umano’y hinoldap ni Carl Angelo Arnaiz na si Tomas Bagcal na kaniya ang mga sinumpaang salaysay na hawak ngayon ng mga pulis.

Ayon sa kaniyang abogado na si Romeo Manalo na naghain ng counter-affidavit, sapilitang pinapirma si Bagcal sa dalawang mga pahayag.

Napansin niya aniya na nakasama ang dalawang naunang affidavits ni Bagcal sa joint counter-affidavit ng dalawang pulis na nasangkot sa pagkamatay ni Arnaiz.

Giit ni Manalo, nagsumite ang kaniyang kliyente ng sulat-kamay na sworn affidavit sa Senado na naglahad ng mga totoong pangyayari bago napatay si Arnaiz hanggang sa panahon kung kailan siya pinilit ng mga pulis na pumirma sa magkataliwas na mga affidavits.

Nakasaad pa sa isinumite niyang counter-affidavit na sina PO1 Ricky Arquilita at Jeffrey Perez ang gumawa ng kaniyang sinumpaang salaysay at napilitan lang siyang pirmahan ito sa takot na baka siya na ang sunod na patayin.

Ayon pa kay Bagcal, tinawagan siya ni Perez noong August 29 para naman ibahin ang isang bahagi ng nasabing affidavit at muli siyang pinilit na pirmahan ito.

Matatandaang si Arnaiz napatay ng mga pulis matapos umanong holdapin si Bagcal.

Kasama ni Arnaiz noon ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman, na ilang araw ding nawala at natagpuan na lang na patay sa Nueva Ecija.

Read more...