Milyun-milyong pisong halaga ng tulong pinansyal at food aid na dapat sana ay naipamahagi agad sa mga biktima ng Supertyphoon Yolanda ang nasayang lamang dahil sa matinding kapalpakan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ito ang nilalaman ng ulat ng Commission on Audit sa kanilang 2014 annual report na inilabas nitong nakaraang September 10.
Sa nasabing report, aabot sa 382.072 milyong pisong na halaga ng local at foreign cash donations para sa mga biktima sana ng naturang bagyo ang hindi napakinabangan at nananatiling nakatago lamang sa mga bank account ng DSWD.
Ang nasabing halaga ay halos 33 posiyento ng kabuuang 1.51 bilyong piso na tinanggap ng DSWD bilang donasyon sa pagitan ng November 2013 hanggang December 2014.
Paliwanag pa ng COA, dahil dito, hindi agad naibigay ang mga karampatang tulong sa mga biktima ng bagyo.
Bukod sa mga cash donations na hindi nagamit, hindi rin naipamahagi ang may P141.084 milyong halaga ng mga family food pack sa mga biktima na malapit nang mag-expire o di kaya ay tuluyan nang nabulok.
Pinansin din ng COA ang palpak na management ng DSWD sa pagtanggap ng mga relief goods sa kabila ng katotohanang wala naman itong maayos na storage facility at kulang sa personnel na mangangasiwa ng mga ito.
Bukod sa isyu ng Yolanda relief operations, pinuna rin ng COA ang kapalpakan at delay ng DSWD sa kanilang supplemental feeding program.
Nabigo rin ang kagawaran sa pagpapatupad ng kanilang Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS program na layon sanang mabigyan ng capital support ang mga mahihirap na komunidad.
Sumablay din anila ang DSWD sa pagtugon sa kanilang Emergency Shelter Assistance o ESA program na nagawang makatulong lamang sa may 142, 348 benepisyaryo o kabuuang 30 porsiyento lamang ng 468,732 aktuwal na target nilang benepisyaryo.