Uulanin pa rin ang maraming lugar sa bansa kabilang na ang Metro Manila, hanggang sa Miyerkules, ayon sa PAGASA.
Ito’y bunsod ng umiiral na Inter-Tropical Convergence Zone o ITCZ, na makakaapekto sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa Sunday forecast ng PAGASA, makararanas ng maulap na kalangitan hanggang katamtamang ulan at isolated thunderstorms ang Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), Davao Region at mga lalawigan ng Zambales at Bataan.
Sinabi pa ng PAGASA na patuloy nilang minomonitor ang isang Low Pressure Area o LPA sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Huling namataan ang LPA 855 kilometers West ng Sangley Point, Cavite.
Gayunman, sinabi ng weather bureau na maliit ang tsansa na lumakas ang LPA at maging tropical depression, dahil ito ay nasa karagatan.
Matatandaang nitong mga nakalipas na linggo ay halos araw-araw ay umuulan, na nagdudulot ng pagbaha sa maraming bahagi ng Kalakhang Maynila.