Itinaas na ang heightened alert sa mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan at daungan sa bansa dahil sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit sa Nobyembre.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, inatasan niya si BI Port Operations Division Chief Marc Red Marinas na magtaas ng alerto upang matiyak na mapipigilan ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang terorista na maaring maghasik ng gulo sa kasagsagan ng international event.
Sinabi pa ni Morente na nakikipag-ugnayan na ang BI sa iba pang mga law enforcement at intelligence agency ng gobyerno, pati na sa kanilang counterpart sa ibang bansa para tiyaking magiging mapayapa ang ASEAN Summit.
Bukod sa mga pinuno ng gobyerno ng sampung bansang kasapi ng ASEAN, inaasahan din ang pagdalo sa summit ng mga head of state ng Estados Unidos, Japan at China.
Kaugnay nito, nagpalabas naman si Marinas ng memorandum na nag-aatas sa mga immigration officer na maging mahigpit sa pagproseso ng mga pasaherong dumarating at papaalis sa bansa, kabilang na ang mga bibiyahe sa special at chartered flight.
Pinatitiyak din ni Marinas sa BI border control and intelligence unit na lahat ng mga pasahero ay daraan sa inspeksyon ng BI.
Ang mga kahina-hinalang pasahero ay kinakailangan namang isailalim sa ikalawang inspeksyon ng BI travel control and enforcement unit.