Maaaring ipatawag ang ilang elder members ng Aegis Juris Fraternity, kabilang na ang isang dating abogado, sa susunod na pagdinig ng Senado ukol sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, pahaharapin ang nasabing mga frat member para bigyang linaw ang pulong na isinagawa sa isang hotel sa Quezon City para planuhin umano ang cover-up sa pagkamatay ni Castillo.
Nabunyag sa isinagawang pagdinig sa Senado ang isang group chat kung saan pinagplanuhan umano ang pag-cover up sa kaso ni Atio.
Kabilang sa naturang group ang ilang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Posibleng ipatawag din aniya ng Senado si dating Isabela Rep. Edwin Uy sa susunod na hearing matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa naturang Facebook chat.
Ayon kay Gatchalian, posibleng isa sa mga elder member si Uy ng Aegis Juris Fraternity, at konektado ito sa Divina and Uy Law Office.
Nakababahala aniya na bukod sa mga sangkot sa krimen, mayroong elder lawyers na nagtuturo sa kanilang mga ka-brod kung paano sisirain ang mga ebidensya at lilinisin ang crime scene.