WATCH: Dalawang tauhan ng Manila Traffic Bureau at isa pa, arestado sa pangongotong ng P50 sa taxi driver

Kuha ni Mark Makalalad
Nang dahil sa P50, arestado sa ikinasang entrapment operation ang dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau at isa pang traffic enforcer makaraang mangotong ng taxi driver sa Tondo, Maynila.

Naganap ang pangongotong sa CM Recto Avenue corner Benevidez St, Tondo, Maynila.

Ayon sa driver ng taxi na si Reynaldo Loquinario, 56-anyos, aminado naman siya sa kaniyang violation dahil nag-right turn on red signal siya pero nagulat na lamang siya nang manghingi ng ‘pampadulas’ ang tatlong naniket sa kanya.

Dito na pumasok sa eksena ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na saktong nagmamanman sa lugar at agad na inaresto ang mga nangongotong.

Kabilang sa mga naaresto sina Adrian Halili, 25-anyos at Leonardo Adrales, 56-anyos na kapwa mga tauhan ng MTPB at si Salvador Ignacio na traffic enforcer umano sa Varona St. Tondo Manila.

Ayon kay Supt. Amante Daro, MPD station 11 commander, matagal na silang nagmamanman sa tatlo dahil noon pa sila nakatanggap ng report sa iligal na aktibidad ng mga ito.

Dahil sa ginawang kalokohan, himas rehas ngayon ang tatlo at nasibak na rin sa serbisyo ang 2dalawang tauhan ng MTPB dahil sa robbery extortion.

Read more...