Kahapon, bagama’t kapansin-pansin na ang bahagyang paghupa ng putukan sa main battle area, may ilang mga Maute terrorists pa rin ang patuloy na tinutugis ng militar.
Ayon sa ulat ng AFP, nasa labindalawa pang mga Maute fighters ang kanilang napatay sa nagpapatuloy na operasyon upang tuluyang maubos na ang teroristang grupo.
Dahil sa karagdagang bilang ng nasawi sa panig ng kalaban, naniniwala ang militar na nasa labingwalong Maute terrorists na lamang ang kanilang kalaban.
Gayunman, kahit iilan na lamang ang mga miyembro ng teroristang grupo, patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga ito sa puwersa ng pamahalaan.
Bilang katunayan, ayon kay Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranao, nasa 13 pang mga sundalo ang nasugatan sa magdamagang palitan ng putok sa lungsod.
Gayunman, patuloy aniyang humihina ang puwersa nito sa araw-araw na pagpupursige ng tropa ng mga sundalo na tapusin na ang panggugulo ng mga terorista sa Marawi City.