Tatlo ang patay samantalang dalawa pa ang sugatan sa pamamaril sa loob ng isang business establishment sa Maryland, USA.
Pinaghahanap pa rin hanggang sa ngayon ng mga otoridad ang suspek na nakilalang si Radee Labeeb Prince, 37-anyos na tumakas matapos ang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang pumasok sa loob ng Advanced Granite Solutions sa loob ng Emmorton Business Park sa Edgewood, Maryland ang suspek na armado ng baril.
Bigla namang pinaputukan ng suspek ang mga empleyado ng establisimiyento kung saan lima ang agad na tinamaan ng bala.
Tatlo sa mga biktima na hindi pa pinapangalanan ang nasawi samantalang naisugod sa ospital ang dalawa pang sugatan.
Dahil hindi pa nahuhuli ang suspek, inilagay sa ‘lockdown’ ang limang paaralan sa Edgewood.
Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo ng gunman sa likod ng pamamaril.
Naniniwala naman ang mga alagad ng batas na isang uri ng ‘targeted attack’ ang pangyayari at walang banta sa seguridad sa iba pang mga tao sa lugar.