Katawa-tawa o ‘ludicrous’ na maitururing ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang uri ng rebelyon laban sa gobyerno ang ginawang kilos protesta ng mga jeepney driver kamakailan.
Ito ang pananaw ng National Union of Peoples’ Lawyers o NUPL bilang reaksyon sa pagtukoy ni Duterte sa dalawang araw na transport strike ng PISTON bilang isang rebelyon.
Giit ni Atty. Edre Olalia, pangulo ng NUPL, ang pagturing ni Pangulong Duterte sa isang simpleng strike ay pagpapakita lamang ng istilo ng pananaw ng pangulo sa mga simpleng paghahayag ng saloobin ng ordinaryong tao.
Malinaw aniya na tanging hangarin lamang ng ginawang aksyon ng mga jeepney driver ay ang ihayag ang kanilang saloobin sa isang isyu at hindi maituturing o klasipika bilang isang rebelyon.
Sa ilalim aniya ng depinisyon ng rebelyon sa ilalim ng Article 134 ng Revised Penal Code, dapat ay mayroong armadong pagtatangka laban sa gobyerno, na malinaw na wala sa isinagawang kilos protesta ng jeepney drivers at operators.