Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Counter Terrorism Division ang babaeng inaakusahang nagre-recruit ng mga bagong miyembro ng Maute Terror Group.
Iniharap sa media ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang suspek na si Karen Aizha Hamilon, 36-anyos na sangkot din umano sa pagpapakalat ng radical islamic propaganda.
Naaresto ang suspek sa kaniyang tirahan sa Taguig City matapos magsagawa ng search operation ang NBI noong ika-11 ng Oktubre ng 2017.
Ayon kay Aguirre, nahaharap sa labingapat na bilang ng kasong paglabag sa Article 138 ng Revised Penal Code (inciting to rebellion or insurrection) in relation to section 6 ng Cyber crime Prevention Act of 2012 (Republic Act of 2012) sa DOJ.
Sasampahan din siya ng dagdag na kasong rebelyon ng NBI dahil sa umano ay mga post niya sa social media na umabot ng 296 kung saan nananawagan siya sa mga foreign at local Muslims na makipaglaban sa government forces sa Marawi.
Maliban sa pagre-recruit ng mga lokal na terorista para makipagbakbakan sa Marawi City ay naghihimok din umano ang suspek ng mga dayuhan para umanib sa International Terror Group na ISIS.
Sinabi naman ni NBI Director Dante Gierran, na naging person of interest si Hamidon noong kalagitnaan ng taong 2016 matapos itong makahikayat ng ilang mga Indian Nationals na pumunta sa Pilipinas para sumali sa radical islamic groups sa Mindanao.
Narekober sa cellphone ni Hamidon ang 296 na posts nito na naghihikayat ng mga bagong miyembro ng teroristang grupo.
Si Hamidon ay sinasabing asawa ni Mohhamad Jaafar Maguid alyas Tokboy at Abu Sharifa na itinuturong lider ng Ansar Khalifa Philippines at responsable sa pambobomba sa Davao City night market.
Naging may bahay din umano si Hamidon ng Singaporean na si Muhammad Shamin Mohammed Sidek na konektado rin sa ISIS.
Nakapiit ngayon si Hamidon sa detention facility ng NBI headquarters sa Maynila.