Arvin Balag, ipaaaresto ng Senado matapos ipa-cite for contempt

Kuha ni Ruel Perez

Ipina-cite in contempt ni Sen. Grace Poe ang presidente ng Aegis Juris Fraternity na si Arvin Balag matapos ilang beses tumangging sagutin ang tanong ng senadora.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, ilang beses tinanong ni Poe si Balag kung siya ba ay miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Pero ilang beses din tumanggi si Balag na sumagot kahit pa ayon kay Poe ay kitang kita na miyembro siya ng nasabing fraternity dahil humarap siya sa pagdinig.

Hindi rin sinagot ni Balag si Poe nang tanungin siya kung siya ba ang presidente ng Aegis Juris.

Inilabas pa ng senadora ang ilang dokumento kung saan makikita ang listahan ng mga miyembro ng Aegis Juris, at nakapirma pa si Balag bilang presidente.

Pero patuloy pa rin tumanggi si Balag sa kabila ng dokumentong ipinakita ni Poe.

Dahil dito, agad na pina-cite for contempt ni Poe si Balag, at ipinag-utos din ni Sen. Ping Lacson ang pag-aresto dito kapag natapos na ang pagdinig.

Sinabihan pa ni Lacson si Balag na iwasan inisin ang mga miyembro ng komite dahil baka ipadala nila ito sa Pasay City Jail.

Nagbabala din si Lacson na ico-contempt ang iba pang resource persons na tatangging sumagot sa mga tanong ng senador.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...