Lalo pang lumakas ang bagyong Paolo at ngayon ay isa nang Typhoon.
Ang Typhoon Paolo ay huling namataan ng PAGASA sa 745 kilometers east northeast ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 145 kilometers bawat oras.
Kumikilos ito sa bilis na 17 kilometers bawat oras sa direksyong North Northwest.
Ayon kay PAGASA Senior Weather Specialist Chris Perez, sa nakalipas na dose oras, hindi nila ito nakitaan ng indikasyon na lalapit sa landmass o tatami sa kalupaan.
Gayunman, napakalawak ng kaulapan nito at hagip ang malaking bahagi ng bansa.
Dahil dito, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ngayong araw ng Miyerkules, Oct. 18 ang Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Visayas, Mindanao at mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Aurora.
Samantala, ang Low Pressure Area naman na binabantayan ng PAGASA ay huling namataan sa 260 kilometers West Northwest ng Puerto Princesa City, Palawan.
Maliit naman ang tsansa na maging bagyo ang nasabing LPA.