Ayon kay 1st Lt. Ronilo Vender na platoon leader ng Combat Team Charlie ng Task Group Bakal, nagawa nilang maasinta si Maute sa ulo at si Hapilon sa dibdib ay dahil sa thermal imaging technology ng gamit nilang armored personnel carrier (APC).
Tinatayang nasa 30 metro ang layo nina Hapilon at Maute mula sa APC, at 500 metro naman ang layo nila mula sa wharf.
Sobrang dilim na aniya noong alas-3:00 ng madaling araw, at na-detect lang nila ang mga galaw ng kalaban sa pamamagitan ng thermal scanner.
Kung nasawi agad si Maute dahil sa tama sa ulo, si Hapilon aniya ay nagawa pang gumapang para makapagtago at nakapagpaputok pa sa mga sundalo kahit na tinamaan na sa dibdib.
Hinablot pa aniya ni Hapilon ang isang bata mula sa kaniyang ina para gamiting human shield, pero sa kabutihang palad ay nagawa namang makatakas ng mag-ina.
Ayon kay Mechanized Infantry Division deputy commander Brig. Gen. Fel Budiongan, malaki ang naitulong sa kanila ng thermal scanner weapon.
Kung wala aniya ang mga ganitong klase ng assets, malamang na hindi sila nagtagumpay sa operasyon.
Ang nasabing kagamitan na kabilang sa mga bagong nabili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may night vision capability at subok na ng iba pang mga armies sa buong mundo.