Ayon sa pagtaya ng Office of Civil Defense, umaabot sa 78,466 pamilya o nasa 359,680 residente ng Marawi siege ang nawalan ng kanilang tirahan sanhi ng kaguluhan.
Ito ay bukod pa sa matinding pinsala sa mga gusali at istrukturang nawasak resulta ng araw-araw na pambobomba ng militar sa pinagkutaan ng mga miyembro ng Maute terror group.
Dahil sa dami ng strukturang nawasak dahil sa giyera, mangangailangan ng mga bagong mga gusali at iba pang establisimiyento sa lungsod.
Samantala, hinihintay na lamang ng binuong Task Force Bangon Marawi ang go-signal mula sa AFP upang makapasok sa war zone upang makapaglunsad na ng damage assessment.
Inaasahang matatapos ang damage assessment sa lungsod sa Oktubre 27.
Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tinatayang umaabot sa 5 bilyong piso ang nagastos ng gobyerno sa giyera sa Marawi.