DTI Secretary Gregory Domingo nag-bitiw na sa puwesto

gregory-domingoKinumpirma ni Presidential Communications Operations Office Sec. Sonny Coloma Jr. na nagsumite na ng kanyang letter of resignation si Department of Trade and Industry Sec. Gregory Domingo.

Ayon kay Coloma, nagka-usap na sila ni Executive Sec. Paquito Ochoa Jr. at kinumpirma nito ang paghahain ng resignation ng DTI Secretary. Gayunman ay tumangging sabihin ni Coloma kung ano ang dahilan sa pagbaba sa pwesto ng kalihim.

Nauna dito ay sinabi ng ilang sources sa Malakanyang na may kinalaman sa kanyang kalusugan ang pagre-resign sa pwesto si Domingo na hinirang ni Pangulong Noynoy Aquino bilang DTI secretary noong July 2010.

Bago ang kanyang trabaho sa pamahalaan ay naglingkod din si Domingo bilang managing director at treasurer ng Chase Manhattan Bank sa kanilang punong tanggapan dito sa Pilipinas.

Naging Executive Director din si Domingo ng SM Investments Corporation bago siya napapayag ng Pangulo na maging bahagi ng kanyang gabinete noong 2010.

Nauna na ring napabalita na epektibo ang kanyang resignation sa unang linggo ng buwan ng Oktubre.

Read more...