Halos hindi naramdaman ang ikalawang araw na tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON.
Sa Aurora Boulevard sa Cubao, kahit may mga tsuper na nagsasagawa ng protesta, tuloy ang biyahe ng mga pampasaherong jeep. Marami sa mga ito, hindi nga halos napuno ng pasahero.
Wala ding pasaherong na-stranded sa Cubao kahit sa kasagsagan ng rush hour.
Sa Phicoa sa Commonwealth Avenue, pinaalalahanan pa ng mga nagpoprotestang miyembro ng PISTON ang mga tsuper ng nakikita nilang bumibiyahe.
Sinasabihan ang mga bumiyahe na makalipas ang dalawang trip sa umaga ay kailangan na nilang lumahok sa tigil-pasada.
Ang mga pasahero naman na walang masakyang jeep sa Philcoa, pumapara na lang ng UV Express.
Sa Monumento sa Caloocan, may mga nagprotesta din na miyembro ng PISTON, pero may mga jeep pa rin na tumuloy sa pamamasada.
Samantala sa Makati City, marami na ring tsuper ang bumiyahe.
Sa kahabaan ng Chino Roces, simula umaga hanggang tanghali ay tuluy-tuloy ang biyahe ng mga pampasaherong jeep hindi gaya noong unang araw ng tigil-pasada na walang jeep na masakyan ang mga pasahero.