Pinoy, kabilang sa mga nasawi sa wildfire sa California

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na isang Filipino ang kabilang sa mga nasawi sa malawakang wildfire sa north California.

Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay at panalangin ang pamahalaan sa pamamagitan ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano sa pamilya ng nasawing kababayan sa nasabing insidente.

Sa ngayon ay hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng Pinoy na biktima.

Sinabi naman ni Deputy Consul General Jaime Ramon Ascalon na nakikipag-ugnayan na ang Consulate General sa San Francisco sa pamilya ng biktima.

Nag-alok na rin ng tulong ang konsulado partikular na sa paghahanda sa repatriation ng bangkay ng biktima.

Patuloy din aniya silang nakikipag-ugnayan sa iba pang Pinoy sa pamamagitan ng social media, at handa silang magbigay ng tuloy sa mga apektado ng wildfire.

Sa datos ng DFA, aabot sa 13,500 na Pinoy ang nakatira sa Napa, Sonoma at Yuba, na pinakamalalang naapektuhan ng wildfire.

Nasa 4,200 naman na Pinoy ang naninirahan din sa iba pang apektadong lugar tulad ng Lake, Marin at Mendocino.

Hindi bababa sa apatnapu’t isa ang kumpirmadong patay sa naganap sa wildfire.

 

 

 

 

Read more...