Magandang legacy na maaaring iwan sa taumbayan ng administrasyong ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpasa sa Freedom of Information Bill o FOI.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni Paranaque Rep. Gustavo Tambunting at isa sa may akda ng FOI Bill na umaasa pa rin siyang ma-aaprubahan ng kongreso ang nasabing panukala.
Ayon kay Tambunting, matapos aprubahan sa committee level ang panukala ay hindi na ito umusad.
Nakalulungkot din aniya na hindi binanggit ni Pangulong Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address ang FOI Bill sa kabila ng ibinibida nitong daang matuwid.
“Ako po ay nalulungkot dahil during the SONA of the President ay hindi na po niya binanggit. Ito na po ang pinaka-magandang pagkakataon na maipasa ‘yan dahil when we talk of the FOI Bill, you talk about transparency and accountability.
Ito ay nakaugnay dun sa tinatawag po niya na Daang Matuwid,” ayon sa mambabatas. Hinihintay na lamang na ma-kalendaryo ng Kamara ang nasabing panukala para mapag-usapan sa plenaryo.
“Kung talagang tunay na daang matuwid, dapat may FOI.” dagdag pa ni Tambunting Sa halip aniyang talakayin ng House of Representatives ang BBL ay mas dapat aniyang unahin ang FOI bill na matagal nang nakatengga.