Kinundena ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago ang tinawag nitong bogus na modernization ng mga jeepney.
Ayon kay Elago, bigo ang pamahalaan na ikunsidera ang kalagayaan ng mga tsuper at mga commuters sa planong jeepney modernization na pinondohan ng P843.45 Million ng gobyerno.
Sinabi ni Elago na ang modernization plan ay kapwa pasakit sa mga sumasakay ng jeepney at mga driver kaya ang nagaganap anyang transport strike ay pagpapakita lamang na hindi dapat ipagpatuloy ang proyekto.
Paliwanag ng mambabatas, papasanin ng publiko ang halaga ng modernization sa pamamagitan ng ibinabayad na buwis dahil kailangang i-subsidized ng gobyerno ang gastos sa pagbili ng mga e-jeepneys abroad o sa mga business tycoon sa bansa.
Gayunman, babayaran naman ng hulugan ng nga tsuper ng jeepney ang halagang P1 Million kung saan P800 kada araw ang kanilang ihuhulog na magagamit sana ayon kay Elago para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga ito.
Paliwanag ng mambabatas, ipapasa din sa mga sumasakay ng dyip ang halaga ng modernization upang makabawi sa gastos ang mga tsuper at ang pamahalaan.