Nakararaming Pinoy, naniniwalang may EJK sa war on drugs – Pulse Asia survey

Naniniwala ang karamihan sa mga Filipino na mayroong nagaganap na extrajudicial killings sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Ito ay batay sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia.

Lumabas sa survey na 73 percent ang naniniwala na mayroong mga kaso ng EJK sa ilalim ng war on drugs habang 20 percent ang hindi naniniwala at 7 percent naman ang undecided.

Nakasaad din sa Pulse Asia survey na tumaas ang porsyento ng mga naniniwala sa EJK na mula sa Mindanao kung mula sa 50 percent ay tumaas ito sa 67 percent.

Bago pa ang isinagawang survey, napaulat na ang pagkakapatay sa binatilyong si Kian Lloyd delos Santos sa isang anti-drug operations ng mga pulis.

Ayon sa Pulse Asia, 94 percent ng mga Filipino ang nakakaalam sa kaso ni Kian, at 76 percent dito ay nagpaabot ng pagkabahala na posibleng mangyari din sa kanila o sa kakilala nila ang kapalaran ng binatilyo dahil sa war on drugs.

Samantala, sa kaparehong survey, lumabas din na mas marami ang sumusuporta sa anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa survey, 88 percent ng mga Filipino ang suportado ang war on drugs ng pamahalaan habang 2 percent ang hindi sumusuporta at 9 percent naman ang undecided.

Isinagawa ng Pulse Asia ang naturang survey noong September 34 hanggang September 30 sa 1,200 na respondents. / Mariel Cruz

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...