Mariing itinanggi ng kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may sakit na Throat Cancer ang nasabing opisyal na siyang dahilan kung bakit hindi na niya itutuloy ang pagtakbo sa 2016 Presidential Elections.
Reaksyon ito ng panig ni Duterte kaugnay sa naglabasang mga kuwento sa ilang social networking sites na dumaranas ng cancer sa lalamunan ang alkalde kaya niya laging hinahawakan ang kanyang leeg at panga.
Sa panayam ng Inquirer Mindanao Bureau, sinabi ni Peter Lavina, tagapagsalita ni Duterte na malinaw na pamumulitika lang ang nasa likod ng naturang ulat.
Partikular na tinukoy ni Lavina ang isinulat ng mamamahayag na si Peter Lustre sa kanyang wall sa facebook na meron umanong siyang “reliable source” na nagsabi na may cancer sa lalamunan si Duterte.
Sinabi rin ni Lavina na matagal nang kritiko ni Duterte si Lustre na gumagamit ng social media para siraan at idiskaril ang anumang plano sa 2016 ng Davao City Mayor.
Samantala sa ulat ng Inquirer Mindanao Bureau, kinumpirma ng dalawang tauhan ni Duterte na tumangging magpakilala na dalawampung taon na ang nakalilipas ay na-diagnosed ang opisyal na may sakit na “Buerger’s disease.
Ito ay isang uri ng pambihirang karamdaman at impeksyon sa lalamunan na karaniwang isinisisi sa labis na paninigarilyo.
Ito rin daw ang sinasabing dahilan kung kaya’t hindi na naninigarilyo mula pa noon si Mayor Duterte.