Mas mahigpit na disiplina sa EDSA ikakasa ng HPG sa Lunes

php-hpg1
inquirer file photo

Tatapusin na ng Highway Patrol Group sa Lunes ang kanilang honeymoon period at ipakikita na nila ang kanilang pangil bilang bahagi ng pagpapatino sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Sinabi ni PNP-HPG spokesman P/Supt. Oliver Tanseco na mahigpit nilang ipatutupad ang mga traffic regulations sa EDSA lalo na ang “no parking zone”.

Tututukan din nila ang mga bus terminals makaraang ma-obserbahan ng mga tauhan ng HPG na kabilang sila sa mga dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.

Ayon sa tagapagsalita ng HPG, dapat ay sa loob ng mga terminal nangmamani-obra ang mga bus at hindi sa EDSA tulad ng kanilang nakasanayan.

Irerekomenda rin ng kanilang grupo na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagsakay at pagbaba sa mga hindi tamang lugar para na rin madisiplina pati ang mga pasahero.

Pati ang mga u-turn slots ay magkakaroon din ng pagbabago simula sa araw ng lunes ayon sa Highway Patrol Group.

Masaya ring ibinalita ni Tanseco na nagpaabot ng pagbati sa kanilang pwersa si Cabinet Sec. Jose Rene Almendras na nagsabing masaya siya sa unang linggo ng EDSA takeover ng HPG.

Si Sec. Almendras ang inatasan ng Pangulo na manguna sa kampanya ng pamahalaan para ayusin ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila partikular na ang EDSA .

Read more...