Imbes na patawan ng anumang uri ng sanctions o parusa mas pabor si People’s Champ Manny Pacquiao na bigyan na lamang ng pagkakataon ang rematch sa pagitan nila ng American undefeated na si Floyd Weather Jr.
Sinabi ni Saranggani Rep. Manny Pacquio na sa pagtatapos ng kanilang bakbakan ni Mayweather noong buwan ng Mayo ay alam niya na siya ang nanalo pero iba ang kinalabasan ng resulta ng laban.
Sa paglabas ngayon ng balita na gumamit si Mayweather ng isang uri ng Intrevenous (IV) infusion ay mas lalong lumakas ang hinala na sadyang nagkaroon ng irregularidad sa nasabing laban batay sa pahayag ng pambansang kamao.
Nauna dito ay sinabi ng Investigative Reporter na si Thomas Hauser na mali ang pagbibigay ng tinatawag na Therapeutic Use Exemption (TUE) kay Mayweather para sa isang IV infusion ng Saline at Vitamins ilang oras bago ang naganap na laban nila ni Pacquiao sa MGM Grand noong nakalipas na buwan ng Mayo.
Ipinaliwanag ni Hauser na hindi kabilang ang Saline at Vitamins sa mga ipinagbabawal na substance ng U.S Anti-Doping Agency (USADA) pero ang ginawang procedure ay mali.
Ayon sa naturang sports reporter, mismong ang USADA ang nagsabi sa kanilang rules na bawal ang anumang uri ng IV infusion o injection ng anumang uri ng substance na aabot sa 50ml sa loob ng 6-hour na prescriptive period pero ito ay kanilang nilabag sa kaso ni Mayweather.
Magugunitang humirit noon ang kampo ni Manny na mabigysan siya ng pain reliever bago ang laban dahil sa pananakit ng kanyang balikat pero hindi siya pinagbigyan ng USADA.
Malinaw ayon kay Hauser na matagal nang may sabwatan ang nasabing ahensya ng Federal Government at ang American undefeated lalo’t target nito na maabot ang world record ni Rocky Marciano na may 49 na panalo at walang talo.
Ngayong sabado ay haharapin ni Mayweather sa kanyang sinasabing huling laban niya sa ibabaw ng ring ang sinasabing mahinang boxer na si Andre Berto.
Ayon sa ilang boxing analyst , masyadong dehado si Berto sa laban at halatang gusto lamang magseguro ni Mayweather na magiging malinis ang kanyang record bago niya tuluyang iwan ang boxing world.