Unang babaeng kalihim ng DepEd, pumanaw na sa edad na 96

Photo courtesy: Miriam College

Sumakabilang buhay na ang pinakaunang babaeng kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Dr. Lourdes Reynes Quisumbing sa edad na 96.

Sa isang pahayag na inilabas ng communication and media coordinator ng Miriam College na si Dahl Bennet, sinabi nito na namayapa na si Quisumbing kahapon.

Nanungkulan si Quisumbing bilang DepEd secretary sa panahon ni dating pangulong Cory Aquino simula 1986 hangang sa pagbibitiw nito sa posisyon noong 1990. Noong panahong iyon, ang DepEd ay tinatawag pang Department of Education, Culture and Sports o DECS.

Sa pahayag na inilabas ni Bennet, binanggit nito ang mga naipatupad ni Quisumbing bilang kalihim ng DECS. Kabilang dito ang pagpapalawig hanggang high school ng libreng edukasyon, pagkakaroon ng mas mataas na pondo para sa edukasyon mula sa national budget, rationalization ng higher education, at pagpapahalaga sa values education.

Simula naman Janurary 1990 ay in-appoint bilang secretary-general ng Unesco National Commission of the Philippines si Quisumbing. Nanatili siya sa naturang posisyon hanggang sa siya ay magretiro sa serbisyo publiko noong February 1998.

Bago pa man nagtrabaho para sa gobyerno is Quisumbing ay inilaan nito ang kanyang oras sa pagtuturo at sektor ng edukasyon sa iba’t ibang mga paaralan at pamantasan. Kabilang dito ang pagtuturo at pagiging dean sa St. Theresa’s College sa Cebu, pagiging dean sa University of San Carlos, De La Salle University, pagiging presidente ng Maryknoll College na ngayon ay mas kilala na sa tawag na Miriam College, at pagtuturo sa University of Visayas at Cebu Institute of Technology.

Matapos ang pagreretiro ni Quisumbing ay nanatili naman itong aktibo. Naging charperson siya ng board sa STC at Miriam College.

Naulila ni Quisumbing ang 10 anak, at mga apo at kaapu-apuhan.

Read more...