Ayon kay Joint Task Group Ranao deputy commander Colonel Romeo Brawner, hindi pa tapos ang araw ng October 15 kaya naman may oras pa ang mga militar para masupil ang mga miyembro ng Maute.
Aniya, hanggang sa ngayon ay patuloy ang pag-atake ng mga tropa ng gobyerno sa mga depensa ng Maute.
Sa ngayon, 162 na mga miyembro ng militar ang namatay dahil sa patuloy na giyera sa lungsod, habang mahigit 1,700 naman ang mga sugatan.
Ani Brawner, isang battalion commander ang natamaan ng sniper sa kasagsagan ng bakbakan kahapon. Ngunit hindi naman na nito inilabas ang pangalan ng naturang sundalo.
Dagdag pa ni Brawner, dalawang ektarya na lamang ang pinagkukutaan ng nasa 40 miyembro ng mga terorista.
Matatandaang isang self-imposed deadline ng mga militar ang pagsasabi na matatapos nila ang gulo sa Marawi bago o sa mismong araw ng October 15.
Sinabi rin ni Brawner na hindi na kailangan pang muling iurong ang naturang deadline.