Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Comelec Commissioner Luie Tito Guia na may mga pangyayari lalo na sa mga liblib na lugar na ang mga katutubo ay sinasamantala ng mga pulitiko at iniimpluwensyahan ang kanilang pagboto.
Ayon pa kay Guia nangyayari din ang ‘hakot’ system, kung saan mag-aalok ang kampo ng isang kandidato ng sasakyan para ihatid ang mga katutubo sa voting centers, at habang nasa biyahe ay doon sila iniimpluwensyahan at itinuturo sa kanila kung sino ang iboboto.
Paliwanag ng Comelec commissioner isa ang isyu ng mga indigenous people sa tinutugunan ng Comelec, partikular ang mga nasa malalayong mga lugar na ang iba ay bumibiyahe pa ng hanggang anim na oras para lamang makaboto sa panahon ng halalan. “Ang ating mga katutubo na medyo malayo-layo ang kanilang komunidad, ang iba nagha-hike ng anim na oras para lang makapunta sa botohan. Ang isa pang isyu sa mga indigenous people ay ang kanilang kaalaman sa proseos ng eleksyon,” ayon kay Guia.
Sinabi ni Guia na nakipag-ugnayan na sila sa PNP para sa halip na ang mga pulitiko ay mga pulis ang aasiste sa mga IPs sa kanilang pagtungo sa mga polling centers.
Maliban dito, may mga grupo na ring katuwang ang Comelec na ngayon pa lamang ay nagbibigay na ng voters education sa iba’t ibang grupo ng mga IPs para maipaliwanag sa kanila ang kanilang karapatan, kasama na ang pagtangging maimpluwensyahan ng sinoman ang kanilang pasya sa kung sino ang iboboto.