Pormal nang ipinasa ni Secretary Mar Roxas ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa bago nitong kalihim na si Sec. Mel Senen Sarmiento.
Ang isinagawang turn-over ceremony kanina sa DILG, ay dinaluhan ng mga pinuno ng Philippine Natiional Police (PNP) Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at ni House Speaker Sonny Belmonte.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sarmiento na itinuturing niyang ‘caretaker’ lamang sa DILG ang kaniyang sarili.
Itutuloy lamang umano kasi niya ang iniwang pwesto ni Roxas na standard bearer ng liberal party sa 2016 elections.
Ayon kay Sarmiento, dahil patapos na ang termino ni Pangulong Benigno Aquino III, ay maiksi na lang din ang magiging panahon niya sa kagawaran.
Sinabi ni Sarmiento na sa halip na magsulong pa ng mga bagong programa ay itutuloy na lamang niya ang mga iniwan ni Roxas.
Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Sarmiento si Roxas at maging ang yumaong si dating DILG Sec. Jesse Robredo.
Una ng sinabi ni Sarmiento na noong siya at si Robredo ay alkalde pa lamang, marami silang mga bagay na napag-usapan hinggil sa mga proyekto na maaring isulong ng DILG para sa kapakanan ng mga lokal na pamahalaan.