Ayon kay Highway Patrol Group Spokesperson Sr. Insp. Jem Delantes, nagsumite na sila ng position paper sa Kongreso kung saan hinihiniling nila na mabago ang nakapaloob sa ipinatutupad na helmet law.
Dapat daw kasing maidagdag sa batas ang pagsusuot ng half face helmet ng mga motor riders na gumagamit ng mababang klase ng motorsiklo o ang below 400-cylinder capacity.
Paliwanag ni Delantes, malimit daw kasing ginagamit ng mga riding-in-tandem criminals ang mga motorsiklong below 400 CC kaya nais nilang maiba ang style ng helmet upang madaling makilala sakaling gumawa ng krimen.
Habang ang mga gumagamit ng above 400 CC motorcycle ay irerekomenda nilang gumamit ng full face helmet.
Bukod dito, sinusuportahan din daw ng hpg ang panukala ng LTO ukol sa paglalagay ng plaka sa harap ng mga motorsiklo.
Patuloy din ang pakikipag ugnayan ng hpg sa mga motorcycle clubs upang humingi ng mga suhestyon para mapigilan ang pamamayagpag ng mga kriminal gumagamit ng motorsiklo.
Ang hakbang na ito ng HPG ay kasunod na rin sa utos ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na riding-in-tandem naman ang pagtutuunan ng pansin ng PNP at iba pang street crimes.