Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), 41 government vehicles ang magbibigay ng libreng sakay sa mga maaabalang pasahero.
Magmumula aniya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Coast Guard ang mga sasakyang gagamitin para sa libreng sakay.
Aniya muli lang din nilang ilalatag ang kanilang contingency plan na isinagawa sa mga nakalipas na transport strike.
Itinalaga namang staging area ng libreng sakay ay ang MMDA office sa Guadalupe, Makati City, Camp Aguinaldo sa Quezon City, Luneta Grandstand sa Maynila, Manila Central University sa Caloocan City, SM Marikina at HK plaza.
Sinabi pa ni pialago na inaasahan nilang lubos na maapektuhan ang kahabaan ng Commonwealth Ave. sa lungsod ng Quezon dahil dito bumibiyahe ang mayorya ng mga miyembro ng grupong PISTON.
Magsasagawa ng protesta ang mga miyembro ng PISTON bilang pagtutol sa jeepney modernization program.