Ito’y makaraang magalit ang pangulo sa EU dahil sa umano’y pangingialam nito sa mga domestic affairs ng Pilipinas, at pagsasapubliko ng kanilang pahayag laban sa drug war ng administrasyon.
Matatandaang nilinaw na ng EU na wala silang kinalaman sa pagbisita dito ng Progressive Alliance and Party of European Socialists at sa mga pahayag nito.
Pero sa kabila nito, sa talumpati ni Duterte sa Dumaguete City ay muli pa niyang binanatan ang EU, dahil sa aniya’y hindi maagap na pagpapaliwanag nito na wala silang kaugnayan sa naturang grupo.
Kinwestyon ni Duterte kung bakit hindi agad nagsalita ang EU noong panahong naglalabas ng kung anu-anong pahayag ang nasabing alyansa.
“You know what? Johnny-come-lately, here comes the ambassador of EU to the Philippines disclaiming, ‘They are not part of the EU.’ Why did you not say that immediately? You kept your silence while they were yakking here,” ani Duterte.
Iniulit naman ng pangulo ang kaniyang panawagan sa EU na huwag makialam sa mga isyu ng bansa.
Ani Duterte, kung kayang magbigay ng EU ng sampung masasamang bagay tungkol sa Pilipinas, kaya niyang higitan ito kapag nagsalita siya laban sa unyon.
Iginiit rin niyang hindi siya natatakot na maalis ang Pilipinas sa United Nations.