Opisyal nang idineklara ng korte na isang teroristang organisasyon ang Abu Sayyaf Group o ASG.
Ito ay matapos na pagtibayin ng Basilan Regional Trial Court Branch 2 ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklarang terrorist at outlawed organization ang ASG.
Sa resolusyon na pirmado ni Presiding Judge Danilo Bucoy, nakasaad na lahat ng limang element para maituring na terror group ang ASG sa ilalim ng Human Security Act of 2007 ay natugunan o present sa Abu Sayyaf.
Kabilang na rito ang paghingi ng grupo ng mga unlawful demands sa gobyerno o ransom sa mga kaanak ng kanilang mga bihag kapalit ng paglaya at kung hindi ay papatayin ang mga biktima.
Inisa-isa rin ng korte ang iba’t ibang kidnapping at bombing incident na kinasangkutan ng ASG na ang layunin ay para maghasik ng takot at kaguluhan sa mamamayan.
Binanggit din ng Basilan court na hindi naghain ng oposisyon ang ASG sa petisyon ng DOJ kahit binigyan sila ng lahat ng pagkakataon para ihayag ang kanilang panig.
Sinimulan ng Basilan court ang pagdinig sa petisyon ng DOJ noong Enero 2011.
Sinabi naman ni Justice Sec. Leila de Lima na makatutulong ang pagkakadeklara sa ASG bilang isang terror group para mausig at mapanagot ang mga miyembro, supporters at financiers ng Abu Sayyaf sa ilalim ng human security law.