Ipinagpaliban ang pagbasa ng sakdal ng korte sa kaso ni Senadora Leila de Lima.
Bago mag-alas nueve ng umaga ay dumating na si De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court o RTC Branch 205, kung saan naka-iskedyul ang kanyang arraignment para sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Dumagsa rin ang supporters ng senadora sa Muntinlupa RTC.
Pero muling naudlot ang arraignment, at ini-reset ni Muntinlupa RTC Branch 205 Judge Amelia Fabros-Corpuz ang pagbasa ng sakdal sa November 24, 2017.
Pinagkokomento ng korte ang state prosecutors hinggil sa motion for reconsideration ng kampo ni De Lima, kaugnay sa motion for legislative furlough at motion to quash, na nauna nang ibinasura ng Korte Suprema.
Nahaharap sa ilang kaso si De Lima dahil sa pagkakadawit sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison o NBP, noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice o DOJ.
Nakakulong si De Lima sa detention facility sa loob ng Kampo Krame.
Ini-akyat ito ni De Lima sa Korte Suprema, pero sa desisyong 9-6 ng mga mahistrado ay ibinasura ang inihaing petisyon ng senadora na nagpapa-nullify sa arrest warrant laban sa kanya at isa pang hirit na ilipat ang kanyang kaso sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.