Magkakahiwalay na naglabas ng travel advisories ang Ireland, Canada, New Zealand at United Kingdom kamakailan sa Southern Negros, kabilang na ang Dumaguete City.
Ayon sa Provincial Tourism Office, inilabas ang mga advisories matapos ang pananambang ng New People’s Army (NPA) sa mga pulis kung saan nasugatan ang isang Brazilian at isang Swede.
Ayon kay Provincial Supervising Tourism Operations Officer Cristine Mansinares, partikular na kinakansela ng mga turista ang kanilang mga biyahe patungo sa Negros Occidental.
Sa inilabas na advisory ng Canada, nakasaad na minaltrato ng mga kidnappers ang mga dayuhan na kanilang dinukot.
Nakasaad din dito na bagaman mas mataas ang banta sa seguridad sa Mindanao, may mga banta rin ng kidnapping sa southern Negros, Siquijor, Palawan at mga probinsyang malapit sa Sulu Sea.
Ayon naman sa travel advisory ng UK, talamak ang banta ng kidnapping sa Mindanao, Sulu, Palawan at Central Visayas kabilang ang Siquijor at Dumaguete.
Gayundin anila sa mga resorts at diving destinations malapit sa Sulu at Celebes Sea.