Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maglalaan ang gobyerno ng 5 bilyong pisong budget para sa rehabilitasyon ng Marawi bago matapos ang taon.
Ayon kay Lorenzana, ang naturang budget ay gagamitin ngayong quarter o mula Oktubre hanggang Disyembre.
Malaking bahagi ng pondo o aabot sa 3.4 bilyong piso ang gagamitin bilang suporta sa pangangailangan ng mga bakwit habang ang natitira ay para sa temporary housing at pagsasaayos ng mga imprastraktura,
Samantala, sinabi rin ng kalihim na nasa 20 bilyong piso ang tinitingnan na posibleng budget para sa susunod na taon upang muling isaayos ang siyudad.
Gayunpaman, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson, Brig. Gen. Restituto Padilla, “total rebuilding” na ang kailangan ng Marawi at hindi lamang basta rehabilitasyon base sa rekomendasyon ng karamihan sa mga urban planners.
Ipinaliwanag ni Padilla na ang rebuilding ay ang pagtatayo sa mga imprastraktura mula sa simula o scratch habang ang rehabilitasyon ay ang pagsasaayos pa ng pwedeng ayusin.
Hinihintay pa naman anya nila ang assessment ng mga engineers mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa proseso ng rebuilding ayon kay Padilla.