Nilinaw ng Palasyo ang mga naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagbibigay niya ng 24-oras sa mga ambassadors ng European Union (EU) para umalis na sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kaya lang nagbitiw ng maanghang na pahayag ang pangulo dahil sa grupong nagpanggap na misyon ng EU.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang binanatan ng pangulo ay ang 7-member delegation ng International Delegates of the Progressive Alliance, na nagpanggap na nasa EU mission.
Aniya, ang mga iresponsableng pahayag kasi ng mga ito laban sa mga mga pagpatay sa ilalim ng administrasyon ay nakakainsulto sa katayuan ng Pilipinas bilang isang sovereign nation.
Giit pa ni Abella, ito dapat ang tingnan tungkol sa naging pahayag ng pangulo laban sa mga EU ambassadors.
Ipinarating naman ng EU sa Malacañang ang kanilang paglilinaw tungkol sa pahayag na lubhang ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahilan para palayasin nito ang kanilang mga ambassadors na nasa bansa.
Ayon kay Abella, iginiit ng EU na wala silang anumang kaugnayan sa pagbisita ng International Delegates of Progressive Alliance na nag-panggap bilang EU mission.
Gayunman, inulit ni Abella na tungkulin ni Pangulong Duterte na protektahan ang integridad ng bansa mula sa mga nangingialam sa mga domestic affairs ng Pilipinas.