Matatandaang ibinalik na ni Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa frontline ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Aniya, wala nang patay dahil wala nang engkwentro kaya siguro naman ay masa-satisfy na ang mga bumabatikos sa drug war.
“O, diyan tayo. Walang patay so walang encounter ‘yan. So better for the bleeding hearts and the media, I hope I will satisfy you,” ani Duterte.
Bagaman sa tingin ng pangulo ay kakayanin naman ng PDEA ang pamumuno sa drug war, nagbabala siya na kung may mangyari na hindi magugustuhan ng mga tao ay huwag siya ang sisisihin.
Giit ng pangulo, ginawa na niya ang lahat pero hiningan pa rin siya ng aksyon ng mga tao.
Binanatan rin ni Pangulong Duterte ang kaniyang mga kritiko dahil nakatuon lang aniya ang pansin ng mga ito sa mga napapatay na drug suspects, pero hindi pinapansin ang mga napapatay na pulis sa mga anti-drug operations.
Hindi rin aniya tinitingnan ng mga ito ang mga daan-daang drug suspects na kusang sumuko sa pamahalaan.
Dahil dito aniya ay mistulang minaliit na ng mga kritiko ang pagkamatay ng mga sundalo at pulis, pati na ang mahigit isang milyong katao na buto’t balat nang sumusuko sa gobyerno.