Duterte nagpahiwatig na hindi kampante sa pag-alis ng PNP sa war on drugs

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag siyang sisihin kapag muling namayagpag ang mga sindikato ng droga sa bansa.

Ipinaliwanag ng pangulo ang nilalaman ng nilagdaan niyang kautusan na nagsasabing ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) na lamang ang siyang tututok sa anti-drug campaign ng pamahalaan.

Hindi na kasama sa mga operasyon kontra sa droga ang Philippine National Police, Armed Forceds of the Philippines, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs.

Partikular na pinasaringan ng pangulo ang ilang miyembro ng media at mga human rights advocates na tinawag rin niya bilang “bleeding hearts”.

Sinabi rin ng pangulo na mas mapapanatag na ang mga nasa likod ng sindikato ng droga dahil mas kakaunti ang mga casualties sa mga operasyon na pinangungunahan ng PDEA kumpara sa PNP.

Imbes na tingnan ang sinapit ng mga namatay na drug personalities sa anti-drug campaign, sinabi ng pangulo na masama ang kanyang loob dahil binalewala ng ilang mga grupo ang ibinuwis na buhay ng ilang mga pulis, militar at law enforcement agents sa kampanya laban sa droga.

Binalewala rin umano ng mga nagpapakilalang human rights advocates ang sinapit ng mga biktima ng karahasan na nag-ugat dahil sa pagkalat ng droga sa bansa.

Read more...