Duterte: Kapag may nangyari sa akin gawa iyun ng CIA

Hindi naiwasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng sama ng loob sa U.S at European Union kaugnay sa mga ulat na may ilang human rights group ang nagtutulak na maalis ang bansa bilang miyembro ng United Nations Human Rights Council.

Hinamon ng pangulo ang nasabing mga grupo na subukan nilang hingin sa liderato ng U.N ang pagpapatalsik sa bansa sa UNHRC at tiniyak ng pangulo na wala namang mangyayari dito.

Hangga’t kakampi ng Pilipinas ang China at Russia, sinabi ng pangulo na hindi maaalis ang bansa kahit sa mismong United Nations.

“One day I will drive you away. It’s either one day your cahoots will kill me or get out of this country”, ayon pa s apangulo

Sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng bagong gawang press briefing area sa Malacañang, muling inulit ng pangulo na hindi na tatanggap ang bansa ng anumang limos partikular na kung galing ito sa U.S.

Sinabi rin ng pangulo na kung may mangyayari sa kanyang buhay at hindi niya matapos ang kanyang termino ay malinaw na gawa ito ng Central Intelligence Agency o CIA.

Hinamon rin niya ang kanyang mga kritiko na magsama-sama na ng pwersa at titiyakin niyang hindi matitinag ang kanyang administrasyon sa gitna ng mga pagtatangkang pagbagsakin ito.

Read more...