Beteranong director na si Emmanuel ‘Maning’ Borlaza, pumanaw na sa edad na 81

(UPDATE) Pumanaw na ang beteranong direktor na si Emmanuel Borlaza na mas kilala bilang Direk Maning sa edad na 81.

Si Direk Maning ay kilala sa mga tanyag na pelikula nito noong deklada 60 hanggang 80.

Kabilang sa mga sikat na pelikula ni Direk Maning ang “Bituing Walang Ningning”, “Bukas Luluhod ang mga Tala”, “Blusang Itim” at maraming iba pa.

Ayon sa kaniyang pamangkin na si Roy Ramirez, inatake sa puso ang direktor at nasawi habang isinusugod sa pagamutan kaninang alas 4:00 ng madaling araw.

Si Direk Maning din ay naging direktor sa hindi bababa sa 24 na pelikulang pinagbidahan ni Vilma Santos.

Maliban sa pagiging vice chairman ng Movie and Television Rating and Classification Board (MTRCB), naging chairperson din si Borlaza ng Directors’ Guild of the Philippines, Inc. (DGPI).

Madalas ding co-host si Borlaza sa programang MTRCB Uncut sa Radyo Inquirer at Inquirer 990 TV.

Bumuhos naman ang pakikiramay sa social media sa pagpanaw ni Direk Maning. Kabilang sa mga nag-post ng pakikiramay gamit ang kanilang Facebook account si Lea Salonga, Director Joey Javier Reyes at mga kasamahan niya sa MTRCB.

Sa November 5, ipagdiriwang sana ang ika-82 kaarawan ni Borlaza. Ilalagak ang kaniyang mga labi sa Loyola Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque.

 

 

 

 

 

 

Read more...