Patay ang tatlong lalaki matapos pagbabarilin habang sila ay nag-iinuman sa Premiere Street Extension, Barangay Sangandaan, sa lungsod Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sina Charlie Roxas, tatlumput pitong taong gulang; Joel Inocencio, tatlumput pitong taong gulang; at Jimbo Larroco, dalawamput siyam na taong gulang na pawang mga residente sa lugar.
Kwento ng mga kaanak at kabitbahay ng mga biktima, nag-iinuman lamang ang tatlong mga biktima bandang alas onse y media ng gabi nang makarinig sila ng magkakasunod na putok ng baril.
Nang tingnan nila ang lugar na pinag-iinuman ng tatlo ay doon na tumambad ang mga walang buhay nilang katawan.
Kwento ng isang kainuman ng tatlo na si alyas Ria at kaibigan nitong si alyas Marie, naglalakad na sila para ihatid si Ria sa kanyang bahay nang marinig nila ang mga putok.
Hinala ng dalawa, ang mga kalalakihang nagpadapa sa kanila ay sila ring mga salarin sa pamamaril.
Lubos naman ang hinagpis ng mga kaanak ng tatlong biktima. Hiling ng ina ni Roxas, hustisya para sa kanyang anak.
Narekober ng mga otoridad ang labinglimang basyo at limang bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng insidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa pamamaslang. Ayon sa mga ito, mayroon silang dalawang anggulong tinitingnan na maaaring dahilan ng pamamaril.’