Binabantayang LPA ng PAGASA nasa loob na ng bansa

PAGASA weather sat 9amNasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay PAGASA forecaster Manny Mendoza, alas 5:00 ng umaga kanina pumasok ng PAR ang LPA at huli itong namataan sa 420 kilometers west ng Iba, Zambales.

Masyado aniyang malikot at pabago-bago ang galaw ng nasabing LPA kaya inaasahan na muli itong lalabas ng PAR sa susunod na 24-oras.

Sa kasalukuyan nitong direksyon, ang LPA ay inaasahang magtutungo sa Vietnam at Southern China.

Pero ayon kay Mendoza, kung babagal ang kilos ng LPA ay hindi gagalaw papalayo ng Pilipinas ay may tsansang ito ay mabuo bilang isang bagyo.

Sinabi ni Mendoza na kung habang nasa loob ng PAR ang LPA ay bababa ang atmospheric pressure nito at magkakaroon ng wind convergence ay magiging bagyo ito at papangalanang “Jenny”.

Samantala sa forecast ng PAGASA para sa araw na ito, habagat o southwest monsoon ang nakaaapekto sa Southern Luzon, Visayas at sa Mindanao.

Makararanas ng maulap na papawirin na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at isolated thunderstorms ang MIMAROPA, Eastern at Central Visayas, CARAGA, Northern Mindanao, at ang mga lalawigan ng Aurora at Quezon.

Sa Metro Manila naman, sinabi ni Mendoza na maaring maranasan pa rin ang malakas na buhos ng ulan sa hapon o gabi na nakapagbabaha sa maraming lugar dahil sa epekto ng thunderstorms.

Read more...