Nagkakahalaga kasi ng P900 milyon ang pondong ipinanukala ng PNP na ilaan para sa Oplan Double Barrel na kanilang ginagawa para sa kampanya kontra iligal na droga.
Gagamitin sana ito pambili ng mga baril para sa mga pulis, at pang-pondo sa mga buy-bust operations na kanilang ikakasa.
Ayon kay Senate finance committee chair Loren Legarda, nabanggit na niya kay PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa na nasa alanganin na ngayon ang nasabing pondo.
Nakatitiyak kasi si Legarda na maaapektuhan talaga ng desisyon ng pangulo ang bahaging ito ng budget ng PNP.
Sa ngayon ay aalamin pa aniya kung alin ba sa mga paglalaanan ng pondo ang maaring panatilihin, at aling bahagi nito ang nakalaan para sa mga armas, buy-bust operations at saka ito sisiyasatin kung alin sa mga ito ang maari nang alisin o ilipat sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Aniya, maaring mawala, mabawasan o mailipat ang mga nasabing pondo dahil sa mga pagkakamaling naganap.
Matatandaang nilagdaan na kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang bukod tanging ahensyang magkakasa ng mga anti-drug operations ng pamahalaan.
Dahil dito ay magiging limitado na lamang sa pagpapanatili ng police visibility ang PNP.