Muli na namang nadagdagan ang bilang ng mga nasawing sundalo matapos mapatay ng pro-Islamic State sniper ang isang junior officer ng Special Forces ng Philippine Army sa Marawi City.
Ayon kay Joint Task Group Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner, nasawi si 1st Lt. Howard Juan habang umaabante ang kaniyang pinamumunuang team sa mga posisyon ng Maute at Abu Sayyaf group.
Si Juan ay tubong Isabela Province at nadestino sa Marawi City ilang araw mula nang sumiklab ang gulo sa lungsod noong Mayo.
Nakatakda sanang pakasalan ni Juan ang kaniyang kasintahan pagkatapos ng kaniyang deployment sa Marawi.
Dumating naman na aniya ang kasintahan ni Juan sa Iligan City para sa mga labi ng sundalo.
Napatay ng sniper si Juan sa loob ng apat hanggang limang ektaryang lugar na kontrolado pa rin ng mga terorista.
Sinabi naman ni Brawner na hindi pa rin natatapos ang bakbakan, pero ngayon ay mas maingat na sila para sa kaligtasan ng mga bihag na hawak pa rin ng mga grupo.
Sa ngayon ay mayroon pang hawak na 12 kabataan at 16 na mga kababaihan ang mga teroristang grupo.
Dahil sa pagkamatay ni Juan, umabot na sa 159 ang bilang ng mga nasasawi sa panig ng gobyerno.