Mapalad na nasagip ng mga rescuers ang mahigit 20 pasahero ng bangka na lumubog sa baybayin sa Dinahican, sa bayan ng Infanta, Quezon province.
Umalis ang bangka sa bayan ng Panukulan at patungo na sana sa Infanta nang bigla itong tamaan ng malakas na alon dakong alas-3:00 ng hapon.
Dahil dito, unti-unting lumubog ang bangka na ikinataranta ng mga pasahero.
Sa video na nakuhanan ng isang netizen na sakay sa isa pang bangka, nakita ang paglubog ng kabilang bangka sa dagat.
Nagmamadali ang mga kasama nila sa pangalawang bangka na lumapit sa lumubog na bangka para mahagisan ang mga ito ng mga life vests at lubid upang masagip.
Sa kabutihang palad ay wala namang nasaktan o nasawi sa insidente, pero iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pangyayari.