Nagpaabot ng pakikiramay ang mga kongresista sa pumanaw na kasamahan na si Batanes Rep. Henedina Abad.
Inalala ng mga kasamahan sa Liberal Party na sina Marikina Rep. Miro Quimbo at Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang mga huling araw na nakasama nila si Abad.
Sinabi ni Quimbo na nakipaglaban sa karamdaman si Abad na may tapang at integridad.
Dagdag naman ni Baguilat, bago pa man magkasakit ang kongresista ay nagawa pa nitong turuan ang mga kasama sa LP sa mga isyu katulad ng RH Law, anti-poltical dynasty at FOI Bill.
Naging totoong kaibigan din si Abad sa kanila at iginalang ang kanilang mga desisyon kahit minsan ito ay salungat sa partido.
Hindi naman makakalimutan ni Akbayan Rep. Tom Villarin si Abad na sinamahan sila sa pakikipaglaban sa death penalty bill kahit pa ang kapalit nito ay pagkawala ng kanyang committee chairmanship.
Si Abad ay pumanaw sa edad na 59 kung saan nakalagak ang kanyang labi sa Ateneo De Manila University kung saan ito nagsilbing Dean at founder ng Ateneo School of Government.
Sinabi naman ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na isang mabuting kaibigan ang mambabatas na naging tagabigay sa kanya ng payo sa ilang pagkakataon.
Base sa abiso ng kanyang tanggapan wala ng gagawing necrological rites sa mga labi ni Rep. Abad bagkus may mga misa na lamang na gagawin kada alas otso ng gabi simula ngayong araw hanggang Miyerkules bago dalhin ang kanyang labi sa Batanes sa araw ng Biyernes.
Samantala, nakalagay na sa half-mast ang bandila ng Pilipinas Batasan Complex kasunod ng pagpanaw ni Rep. Abad.