PNP nanindigan, walang kaso ng EJK sa Pilipinas

“Walang Extra Judicial Killings sa Pilipinas”.

Ito ang muling iginiit ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa kasabay sa pag-review ng depenisyon ng EJK base sa administrative order na nilagdaan ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Dela Rosa, hindi nya alam kung saan nangagaling ang ‘statistics’ na binabanggit ng mga kritiko at kung bakit EJK ang tawag nila sa mga patayan sa bansa.

Buwelta nya sa mga kritiko, dati pa man ay mayroon nang mga patayan pero tila hindi ito napupuna at kung kailan iba na ang nakaupo ngayon sa pwesto ay babaguhin na naman ang depenisyon nito.

Ang tinutukoy ni Bato ay ang Administrative Order (AO) No. 35, na nilagdaan noong Abril 18, 2013 ni Dating Pangulong Noynoy Aquino.

Kung saan nakasaad dito na ang EJK ay para sa mga biktima na kasapi ng isang cause oriented group katulad ng media at iba pa.

Una nang dumipensa ang Internal Affairs Service ng PNP na hindi kwalipikadong tawaging EJK ang mga patayan sa bansa.

Wala naman daw kasi tayong judicial killings dahil hindi sa atin umiiral ang death peanlty.

Samantala, sinabi naman ni Dela Rosa walang tinatagong datos ang PNP sa mga patayan.

Tiniyak nya rin na iniimbestigahan ng kanilang hanay ang mga kaso ng homicide.

Read more...