Ipasisibak sa pwesto ni Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo ang mga regional commander na hindi tumupad sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Triambulo, inatasan niya na ang Regional Internal Affairs Service na magsagawa ng special inspection sa mga naitatalang homicide cases at kapag napatunayan na may pagkukulang sila ay irerekomenda nya kay Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na sibakin ito.
Kabilang sa criteria na titignan ng IAS ay ang “effectiveness” at “efficiency” ng regional commanders at kung natutupad ba nito ang kanilang target.
Sa ilalim ng effectiveness, titignan kung tugma ba ang bilang ng mga naimbestigahan ng IAS sa bilang ng mga napatay sa kanilang lugar.
Inahalimbawa nya dito na kung 10 ang naitalang patay sa kanilang AOR o area of responsibility ay dapat 10 rin ang kanilang naimbestigahan at hindi 5.
Sisilipin naman sa “efficiency” ang laman ng folder ng mga regional commander.
Giit ni Triambulo, hindi sapat ang spot report ng mga pulis dahil sa tuwing may mga patayan ay dapat na imbestigahan ito.