Ayon sa testigo, may nakita siyang isang pulang Mitsubishi Strada sa labas ng frat lib, kung saan nasaksihan niyang isinakay ang isang nakabalot sa kumot.
Dagdag pa ng testigo, nakita niya sa balot ng kumot ang dalawang paa.
Pagkalipas ng ilang sandali ay may isang lalaki namang ibinaba ang roll-up door ng frat lib bago tila nagmadaling umalis.
Base sa kuha ng CCTV camera sa Navarra Street sa umaga ng September 17, makikita ang isang pulang Strada at itim na Fortuner malapit sa frat lib.
Nakita rin sa CCTV footage ang ilang mga kalalakihan na mistulang nanggaling sa Aegis Juris library na may dalang bag.
Ayon sa MPD, hindi malayo na ang mga lalaking nahagip sa CCTV ay ang mga kumuha ng hard drive ng CCTV ng gusali.
Bagaman hindi pa alam ng mga otoridad kung sino ang may hawak ng hard drive ng CCTV, sinabi naman nila na malaking tulong ang paglutang ng bagong testigo.
Samantala, nakausap na ng mga kawani ng Chinese General Hospital ang MPD Homicide Section at kinilala nila si John Paul Solano na siya ngang nagdala kay Atio sa ospital.
Ayon sa MPD, kasama ang mga pahayag ng mga testigo sa tatalakayin sa gagawing pagdinig ng Department of Justice ukol sa pagkamatay ni Atio sa October 9.