Apatnapu hanggang 60 pa ang hawak na mga bihag ng teroristang grupong Maute.
Taliwas ito sa unang pahayag ng tropa ng pamahalaan noong nakaraang linggo na nasa 40 na lamang ang hostage ng teroristang grupo.
Ayon ky Col. Romeo Brawner Jr., deputy commander ng Joint Task Group Ranao, ang impormasyon ukol dito ay nagmula mismo sa 17 mga naisalbang mga hostage noong Miyerkules.
Aniya, posibleng marami sa mga bihag ay itinatago ng teroristang grupo sa mga basement ng kanilang pinagkukutaan, kaya naman hindi ito nabibilang ng mga sundalo.
Dagdag pa ni Brawner, hindi na lalagpas sa 200 mga gusali ang hawak pa rin ng ISIS-insipired Maute at sa mga ito hiwa-hiwalay itinatago ang mga bihag.
Bagaman nagbago at tumaas pa ang bilang ng mga bihag na hawak ng ma terorista, posible pa rin na matapos ang kaguluhan sa Marawi City sa darating na linggo.
Noong Sabado ay may lumipad na helicopter sa taas ng battle area at nagpalipad ng mga papel kung saan nakasaad ang mga paraan kung paano maaaring sumuko ang mga miyembro ng Maute.
Samantala, 770 na miyembro ng Maute ang napapatay, habang 157 na mga sundalo naman ang nagbuwis ng buhay.