3 pulis na sangkot sa pagbaril sa isang menor de edad sa Angeles, sinibak sa pwesto

Sinibak na sa pwesto ang dalawang pulis at kanilang commander matapos barilin ang isang 16 na taong gulang na binata sa Angeles City, Pampanga.

Kinilala ang mga pulis na sina PO1 Aizel Dean Marie Lopez, PO1 Osmond Rivera, at Senior Inspector Dange Cabungkal mula sa Angeles City Police Station 4.

Ang mga naturang pulis ay kasalukuyang nasa restricted custody ng City Personnel Administrative Holding Unit ng Angeles City Police Station.

Matatandaang nakuhanan sa CCTV ang pagbuntot ng isang police mobile kay Salman Pundato Macal na sakay ng isang motorsiklo sa kahabaan ng A. Santos Street sa Barangay Balibago.

Matapos parahin ng mga pulis para sa isang inspeksyon ay nagpumiglas at tumakbo si Macal, dahilan upang habulin ito ng mga pulis.

Ilang minuto ang nakalipas at makikitang bitbit na ng mga pulis si Macal na muntik pa nilang mabitawan.

Maayos na ngayon ang lagay ng binata matapos itong tamaan ng bala sa tiyan na tumagos sa kanang bahagi ng kanang katawan, dahilan upang masira ang spinal cord nito.

Ang takot ngayon ng ina ng biktima, posible nang habang buhay maparalisa ang anak.

Giit ng  mga pulis, aksidente lamang ang pagkakabaril dito.

Sa ngayon, hindi pa sinasabi ng mga otoridad ang dahilan kung bakit nila sinundan at pinaputukan si Macal.

Read more...